Minggu, 05 Juni 2011

Ang Binata sa Jeep...


Sanay na akong pumapasok ng maaga dahil na rin sa maaga gumising ang aking mommy. Pa minsan kung may time ay naglalakad-lakad pa ako sa aming lugar sa Antipolo at saka uuwi muli, maliligo at papasok na ng opisina. Hindi naiba ang umaga na iyon, halos pasado alas singko na ng hapon ng makasakay ako ng jeep, sa may terminal ng Antipolo-Cubao sa may Emraud Plaza. Wala pang pila dahil maaga pa. Diretso ako sakay sa jeep na konti pa lang ang laman. Sa aming helera ay anim pa lamang kami, karamihan sa mga jeep dito kundi onsehan ay dosehan ang laman. Sa tapat ko naman ay halos walo na ang nakaupo. Paminsan ay sinusulyapan ko ang laman ng jeep, karamihan mga estudyante, mga manggagawa din. Ngunit dahil na rin sa kaantukan ko ay hindi ko na din masyadong napansin ang mga sakay nuong araw na iyon. Napipikit na ako sa antok dahil na rin ng dvd marathon pa ako kagabi at puro horror pa ang napanuod ko. Unti-unti ng napupuno ang jeep at sumesenyas na ang barker na 2 na lang at aalis na ang jeep. Maya-maya pa ang umandar na nga ang jeep. 

Bago tuluyan makaidlip ay napatingin pa ako sa aking katapat, isa siyang binata. Naka polo shirt na puti, naka slacks na itim at naka balat na sapatos, siguro ay may bente anyos na ito. May kaputian at makapal ang buhok, may pagka singkit. Hinagilap ko ang aking isipan kung kilala ko ba ang binatang ito dahil may feeling ako na kilala ko siya ngunit hindi ko maisip. Tumango ako at pumikit at sinubukang makatulog, ngunit hindi rin ako makatulog dahil malikot ang katabi ko.Dalawang mama na may kalakihan ang katawan, may dala pang malaking bag. Napalingon ulit ako sa binata sa aking tapat at nakatitig siya sa akin. Kay lamig ng hangin sa may Sumulong highway at hindi ko alam kung yun ba ang dahilan ng aking panlalamig. 

Nakaidlip ako. Sa aking panaginip ay kinakausap ako ng binata sa aking tapat. "Grace..Grace, gumising ka.." Napatingin ako sa kanya. "Dinudukutan ka, Masasamang loob ang katabi mo." Ngunit walang tinig ang lumalabas sa kanyang mga labi. Nabasa ko lamang ito sa kanyang mga mata. Pag dilat ko ay naramdaman ko ang pagkislot sa aking bag. Pag tingin ko sa aking mga katabi ay masama ang tingin nito sa akin. Sumigaw ako agad, "Magnanakaw! Magnanakaw!" Nagising ang ibang mga sakay ng jeep, nagulat na lamang kami ng nagsipag talunan ang dalawa kong katabi na mama at pati ang barker ay walang nagawa. Tinignan ko agad ang aking bag at buti na lamang ay wala sila nakuha. Malakas pa rin ang kaba ko. Nang mapa dako ang aking tingin sa aking tapat ay wala na sa kinauupuan niya ang binata na kanila lamang ay nakatitig sa akin. Takang hinagilap ng aking mata ang buong jeep ngunit wala siya. Bumaling ako sa kundoktor. "Kuya, asan na yung nakaupo ditto kanina, ung binata na naka polo shirt na puti?" tanong ko. Sa gulat ko naman ay tinaasan pa ako ng kilay ng kundoktor, "Wala namang binatang naka polo shirt na nakaupo dyan, dalawa pa lang ang bumababa at yun yung 2 mandurukot kanina." Ang katapat ko naman ang binalingan ko, isang ale na naka pula. "Nay, kanina pa kayo nakaupo dyan?” tanong ko. “Tinatakot mo ba ko? Kanina pa ako nakaupo dito at wala naman akong ibang katabi kundi sila lang." At ang katabi nga niya ang dalawang babae na naka school uniform ng Fatima. Tuluyan na nga akong kinilabutan at binalot ng takot. Ngunit pasalamat pa din ako dahil tinulungan niya ako. Kung sino man siya.

Kinagabihan pag uwi ko sa bahay ay nadatnan ko ang aking tita at mommy na nagtitingin ng mga album. Tuwang tuwa sila habang nagtitingin sila ng mga pictures, ang pagbabalik tanaw gamit ang mga pictures sa mga lumang photo album ay nakaka aliw. Nagpalit ako agad ng damit upang samahan sila. Tumabi ako sa aking mommy na nakatunghay naman sa album na hawak niya, “Ang pogi ditto ni Eddie. Nagbibinata na siya dito.” Tinignan ko naman ang picture na tinutukoy niya at namamalikmata ba ako? “Si Tito Eddie yan?” garalgal na boses na tanong ko. “Oo. Nasa Cabanatuan sila ng mga panahon na yan.” Si Tito Eddie ang uncle ko na namayapa na kamakailan lamang dahil sa heart attack. Sa picture ay may isang binata na nakaupo sa may bukana ng jeep. Naka polo shirt na puti, naka slacks ng itim at balat na sapatos. Siyang siya ng nakita ko sa jeep. At tuluyan ko ng napagtanto na siya nga ang binata sa jeep. Ang binata tumulong sa akin at maagap na tumulong. Napangiti na lamang ako at kinalimutan na ang takot na namumuo sa aking dibdib.

*Ang iyong nabasang kwento ay fiction lamang at hindi hango sa totoong buhay. Kung ito man ay napareha sa mga naganap sa inyong buhay, maaaring ito ay nagkataon lamang. Ito ay hango sa malikhaing isip ng manunulat. *

Tidak ada komentar:

Posting Komentar